may qouta ang pag-ibig
sa bawat limang umiibig, isa lang ang magiging maligaya. ang iba, iibig sa di sila iniibig. o iibig nang di natututo. o iibig sa wala. o di iibig kailanman.
ang iba’y iibig sa maling panahon, hindi mapagtagpo ang kahapon at ang kasalukuyan.
may mga pusong pinaglalaruan. nasa parehong building, but they will never realize that they are on the same floor. maski laging may strange force na humihila sa kanila para tumingin sa kabila ng building. kailanman ay di sila magtatagpo. at kailanman ay di na niya malalaman dahil eventually ang lalaki ay lilipat sa ibang lugar, at siya, hangang sa mamatay, di na niya malalaman kung sino nga ba iyong nasa kabila.
merong pinalad na nagkakilala, nagkaibigan, at nagsama. pero sa di malamang dahilan ay iniwan ng lalaki ang babae. mabubuhay ang lalaki sa walang hangang paghahanap. mare-realize niya na ang pag-ibig ay laging paghahanap. pero hindi niya kailanman mahahanap ang babae dahil ang totoong hindi niya mahanap ay ang kanyang sarili.
meron away ng away kapag magkasama pero hindi naman makaya ang magkahiwalay. merong nagmamahal lamang kapag nananakit. merong relihiyon ang humaharang, o katayuan sa buhay, o mga magulang. merong sila mismo ang gumagawa ng harang.
merong umiibig na habang nagtatagal ay lalong nawawalan ng I.Q. merong pag umiibig ay napupundi ang 4 out of 5 senses, touch nalang ang natitira. merong ang tingin sa pag-ibig ay tali. merong di makahakbang dahil sa pag-ibig, at meron namang nakakalipad. merong umiibig ay nakaharap sa salamin, sarili ang sinasamba. merong ang tingin sa pag-ibig ay parusa.;
ang ibay iibig sa mga hayop, dahil noong unang panahon ay mga hayop sila. ang iba’y iibig sa mga bahay, kinikilig kapag hinahaplos ang barandilya. patuloy silang mananakit sa mga babaing umiibig sa kanila dahil hindi nila kailanman malalaman na ang puso nila ay gawa sa kahoy.
pero merong isa sa lima, harangan man ng kulog, ng mga ganid, ng lindol at ng teknolohiya, mahahanap niya ang kanyang mahal. siya lang ang magiging masaya.
…isa ba ako sa mga hindi kasama sa qouta??.
